Dahil sa pagkamatay ng walo katao sa Tanay, Rizal nitong Sabado na kumuha ng pinansiyal na ayuda, inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring ipagpaliban muna ang pamamahagi ng naturang ayuda kapag may banta ng sama ng panahon.
Sa isang panayam sa GTV “Balitanghali” ngayong Lunes, sinabi ni Assistant Secretary Romel Lopez, tagapagsalita ng DSWD, na mas mabuting isalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at mga kukuha ng ayuda.
“Ayaw na po natin maulit ang ‘yung pangyayari na ‘yon [sa Rizal]. So ngayon po ang way forward po ng DSWD, kapag may banta po ng sama ng panahon ay maaari na po natin ipagpaliban ‘yung mga ganitong payout. Although ang kalaban naman po natin dito… ay mga kababayan natin na matagal na pong naghihintay kung anumang assistance ‘yung kanilang natatanggap,” ani Lopez.
Gayunman, sinabi ng opisyal na dapat balansehin pa rin ang kaligtasan ng mga tao.
Nitong Sabado, pitong senior citizens at isang 5-taong-gulang na bata ang nasawi nang tangayin ng rumaragasang tubig ang jeep na kanilang sinasakyan sa Barangay Sta. Ines matapos mag-withdraw ng ayuda sa Tanay, Rizal.
Tumatawid ang sinasakyan nilang jeep sa ilog nang magbalahaw umano ang sasakyan at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.
Dahil sa nangyari, humiling ng pagbabago sa sistema ng pagbibigay ang Tanay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)
Ayon pa sa MDRRMO, nagkaroon na raw ng pag-uusap ang Office of Civil Defense kasama ang Regional DSWD at ipapaalam raw ang hiling na pagbabago sa sistema sa national government.
Kung sakaling magbago ang distribution system, sinabi ni MDRRMO head Norberto Matienzo Jr., na makakatulong ito sa mga indigenous people at senior citizen.
Samantala, sinabi ni Lopez na magbibigay ang DSWD ng psychosocial counseling at cash assistance sa mga kaanak ng biktima.
“Ang DSWD po ay nakikipag-coordinate na po sa kanilang mga kaanak. Ikinalulungkot po namin ‘yung nangyari at kasabay po nito sa pakikipag-coordinate bukod po sa psychosocial counseling po na gagawin sa mga kamag-anak po, mga naiwan po ng nadisgrasya po sa insidente na ‘yan ay magbibigay din po tayo ng burial assistance minimum po ito ng P10,000 at ganoon din po para sa mga nasugatan naman ay makakatanggap din sila ng P5,000 bukod po sa family food packs na ipapamahagi po natin sa kanila,” sabi pa ni Lopez.--FRJ, GMA Integrated News