Pinagbigyan ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 ang petisyon ng aktor at host na si Vhong Navarro na makapagpiyansa para sa kasong rape na isinampa ng model-stylist na si Deniece Cornejo.
Itinakda ng korte ang P1 milyon na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Navarro habang dinidinig ang kaso.
“Wherefore, premises considered, the petition for bail is hereby granted. The bail of the accused for his provisional liberty is hereby fixed at one million pesos (P1,000,000.00),” paliwanag sa desisyon na ibinaba ni Presiding Judge Loralie Cruz Datahan nitong Lunes, December 5.
Noong November 21, inilipat si Navarro sa Taguig City Jail mula sa pasilidad ng National Bureau of Investigation bilang pagsunod sa utos ng korte noong November 7.
Nahaharap si Vhong sa kasong panghahalay kay Cornejo na nangyari umano noong Enero 2014.
Nauna nang itinanggi ng aktor ang alegasyon laban sa kaniya.
Sa ulat naman ni Saleema Refran sa “Balitanghali,” sinabi ng kampo ni Navarro na masaya ang pamilya nito sa balitang makakauwi na ito.
Samantala, sinabi sa ulat sa “24 Oras" na bandang 5:50 p.m. nang lumabas si Navarro sa Taguig City Jail matapos niyang makapaglagak ng piyansa.
Sinabi ng abogado ni Navarro na si Marie Glen Abraham-Garduque na itutuon muna ng aktor ang atensyon sa kanyang pamilya. — RSJ/VBL, GMA Integrated News