Ginahasa umano ng kanyang team leader sa trabaho ang isang babaeng working student habang nag-iinuman nitong Sabado sa bahay ng isang kasamahan. Ang suspek, aminado sa nagawang krimen.
Sa ekslusibong ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras Weekend”, sinabing nagpasaklolo sa barangay ang 20-anyos na biktimang si Joyce, hindi niya tunay na pangalan.
Sinabi ni Joyce na apat na babae at apat na lalaki ang kainuman niya. Karamihan daw sa mga ito ang kanyang kasamahan sa trabaho.
“Nag-blackout po kasi ako tapos ang nag-asikaso po sa akin ‘yung asawa ng may-ari ng bahay. Inakyat po ako sa kwarto nila para magpahinga. Tapos ang kwento po sa akin nu’ng asawa, ang kulit-kulit daw po ng TL namin na gisingin na daw ako para makauwi na kasi anong oras na raw po,” saad ng dalaga.
“Hanggang sa naiinis na sila sobra. Pinayagan nila, sabi, ‘Sige gisingin mo lang.' Tapos ‘yun po du’n po ako nagising sa ginawa niya,” dagdag pa niya.
Ayon kay Joyce, hindi raw agad siya nakapag-sumbong sa mga kasamahan dahil sa takot.
Ngunit isinalaysay ng dalaga na lagi umano siyang binibiro ng suspek kahit isang buwan pa lang siya sa trabaho.
“Sinasabi niya lagi sa amin, 'Bakit ang ganda mo,' ganyan, 'Paano kapag nain-love ako?' Akala ko po wala lang po ‘yun, biro-biro lang kasi may asawa’t anak po siya,” aniya pa.
Sa tulong ng barangay at pulisya, naaresto ang 24-anyos na suspek. Hindi siya pinangalanan ng GMA Integrated News para protektahan ang pagkakakilanlan ng biktima.
Gayunman, nakaharap niya sa barangay hall ang galit na galit na tatay ng biktima.
Aminado rin ang suspek sa krimen at sinabing, “Wala eh, kasalan ko talaga… iyon nga po sir, nagalaw.”
Samantala, nagkaharap naman sa labas ng presinto ang biktima at kinakasama ng suspek.
Desidido ang biktima at kanyang mga kaanak na magsampa ng reklamong rape.
“Sana po di na lang niya ituloy. Makikiusap ako,” ani suspek.
“‘Di po pwedeng kausap ‘yan. Di pwedeng areglo, dapat makulong,” giit naman ng tiyuhin ng biktima.
“Sana ‘wag niyang gawin sa iba pang babae ang ganon kasi may asawa at anak po siya eh. Maawa po siya sa pamilya niya,” diin naman ni Joyce.
Sa ngayon, nakakulong na sa Cubao Police Station ang suspek. — Mel Matthew Doctor/DVM, GMA Integrated News