Mistulang nawalan ng kontrol at nagwala ang isang sport utility vehicle (SUV) na nakabangga ng tatlong sasakyan at harang sa isang gas station sa Quezon City. Ang driver ng SUV na senior citizen, hindi raw alam ang nangyari.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang nag-viral na video na nahuli-cam ang SUV na bilang umatras at mabilis na umikot hanggang sa may tamaan na bahagi ng isang gas station sa North Fairview sa Quezon City kanina.

Ngunit bago pa ang insidente, may nabangga na rin na isang nakaparadang van ang SUV.

“Maraming taong naglabasan at sinasabing binabangga na daw po yung sasakyan namin. Tapos tiningnan ko sa likod, ay oo nga binabangga na tayo. Hindi po gaano kalakas pero mapapagalaw ka naman,” ayon sa may-ari ng van na si Rowena Piñera na nasa loob noon ng sasakyan.

Ayon naman sa driver ng van na si Amelito Dula, pinuntahan niya ang driver ng SUV para katukin ang driver nito.

“Tinapik ko yung tagiliran niya, tapos sabay silip ko. Siya lang mag isa, naka[subsob] siya sa manibela. Sabi ko, pag ikot ko sa kabila, sinabihan ko si sir… katukin ko na lang. Sabi ni sir, huwag mo na katukin. Baka may baril daw,” kuwento niya.

Tumawag na sila ng pulis pero hindi umano lumalabas ng SUV ang driver nito na tumagal na ng 20 minuto.

Nang dumating ang mga pulis, umandar ang SUV at muling nabangga ang van, bago umatras at doon na nakabangga ng bahagi ng gas station bago tumigil muli.

Nang humupa ang sitwasyon, tila normal naman daw ang driver ng lumabas ng SUV pero hindi niya alam ang mga nangyari.

“Sabi ko, ‘Sir, ano ba nararamdaman niyo? Alam niyo pa ba nangyayari?’ Sabi niya, ‘Hindi ko alam. Ang alam ko lang may tumama sakin dito, masakit nga eh.’ Sabi ko, ‘Saan ba kayo galing, sir?’ ‘Sa Makati pa ko,’” ayon kay Dula.

Tatlo ang sasakyan na nabangga ng SUV, at nasira ang protective barrier ng gas station. Wala namang malubhang nasaktan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang pinsala sa nangyaring insidente. Habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng SUV. 

Sa hiwalay na ulat sa GTV News State of the Nation, sinabing isang 68-anyos na retired US Navy personnel ang driver ng SUV.—FRJ, GMA Integrated News