Patay ang isang 23-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin ng salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Dumangas, Iloilo.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, makikita ang biktima na kabilang sa apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo at tumigil sa isang kanto.
Tila ibinaba lang ng biktimang rider ang kaniyang angkas kaya tumigil sa naturang lugar.
Maya-maya lang, dalawang lalaki na sakay din ng motorsiklo ang dumating at bumaba naman ang angkas nito.
Lumapit ang naturang angkas sa rider na biktima at basta na lang pinagbabaril kahit nakatumba na sa daan.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima, habang tumakas naman ang dalawang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posibleng umanong nakaalitan ng bikitma sa isang sayawan ang suspek sa krimen.
Hinahanap pa ng mga awtoridad ang suspek at kasama nito na mahaharap sa kasong murder. -- FRJ, GMA Integrated News