Sa halip na mag-enjoy, sama ng loob ang inabot ng dalawang turistang Korean matapos silang mabiktima ng grupo ng mga kawatan habang namamasyal sa isang sikat na "templo" sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video ang dalawang turistang Korean na ibinaba ang kanilang bag habang nagse-selfie sa sikat na pasyalan sa Cebu City na Temple of Leah.

Tila kampante ang mga dayuhan dahil malapit lang naman sa kanila ang bag. Makikita rin na marami ang tao sa lugar na tila mga turista rin na kumukuha rin ng larawan at video na gaya nila.

Ngunit ang hindi alam ng mga biktima, ang mga tao sa paligid nila ay mga kawatan pala na magkakasabwat, at nagpapanggap lang na turista.

Kapansin-pansin na isa sa mga kawatan na lalaki ang patingin-tingin sa bag na nasa lapag. Habang ang iba pang kawatan, palakad-lakad at may pumuwesto malapit sa mga biktima.

Isa sa mga kawatan ang mistulang naging screen at tinakpan sa paningin ng mga dayuhan ang bag, habang isa namang kawatan ay mabilis na kinuha ang naturang gamit.

Ipinasa naman ng kawatan ang bag sa isa pa nilang kasabwat at saka sila umalis.

Umaabot umano sa P350,000 at $90 ang cash na laman ng bag na nakuha ng mga kawatan. Bukod pa ang ibang gamit ng biktima, kabilang ang mga passport.

Ini-report ng mga dayuhan sa pulisya ang masamang nangyari sa kanilang pamamasyal sa Cebu.

Lumilitaw na walo ang magkakasabwat na mga kawatan, na sumakay sa dalawang taxi.

Nakikipatulungan na umano sa imbestigasyon ang isa sa mga taxi upang matunton ang mga kawatan.-- FRJ, GMA Integrated News