Inihayag ni Juliana Gomez na bagama't hindi madali ang kaniyang mga pinagdaanan, tiwala sa sarili at pag-eensayo araw-araw ang kaniyang naging puhunan bago magkampeon sa fencing sa Thailand.
Sa Sports Bites report ni Saleema Refran sa “Balitanghali” nitong Huwebes, sinabing nagkampeon sa Air Force Open Fencing Championship sa Bangkok, Thailand kamakailan ang Pinay fencer at anak ni Leyte 4th district Representative Richard Gomez.
"Siguro dahil may tiwala ako sa skill ko dahil nagte-training naman ako araw-araw. Tapos confident ako sa mga galaw ko noong araw na iyon. I was just lucky that I was able to win. But this is just the start and I have more to work on to myself," sabi ni Juliana.
Ayon pa kay Juliana, hindi madali ang pagsasanay, lalo't kailangan niyang pagsabayin ito sa kaniyang pag-aaral.
"Everyday po sila nile-lesson at saka pine-prepare para sa mga kompetisyon na gusto niyang salihan. Binibigyan ko sila ng technique kung ano ang mga pwede nilang gawin, at saka binabago ang mga galaw tsaka 'yung handwork. Importante kasi, kailangan alam nila kung ano 'yung mga gagawin nila sa competition," sabi ni Armando Bernal, coach nina Juliana.
Hindi naman daw nakararamdaman ng pressure si Juliana mula sa ama na presidente rin ng Philippine Fencing Association.
Katunayan, ang fencing pa nga ang nagsisilbi nilang father and daughter bonding.
"He doesn't pressure me. I just got a tremendous amount of support from my parents," sabi ni Juliana.
Malaki rin ang tulong sa kaniya ng kasintahang si Miggy Bautista dahil ito ang tumatayong coach niya kung wala ang kaniyang trainer.
"I think it's just important to trust in the work that you're putting in and to not give up. I think that hard work actually works," payo ni Juliana sa mga may planong pasukin ang larangan ng fencing. — VBL, GMA Integrated News