Isang mananahi sa Rizal, isang tindero ng isda sa Pasig, at isang tricycle driver mula sa Zambales ang mga nadagdag sa listahan ng mga nanalo ng jackpot prize sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa website ng PCSO, inihayag nito na mula sa Taytay, Rizal ang mananali na nanalo ng mahigit P21 milyon jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw noong November 4, 2022.
Tinamaan ng masuwerteng mananaya ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na 16-13-02-19-11-07.
Edad umano ng mga anak ang tinayaan na numero ng 39-anyos na ginangna dating may patahian pero bumagsak nang magkaroon ng pandemic.
Itinuturing ng ginang na malaking biyaya ang pagtama niya sa lotto matapos ang sunod-sunod na dagok na dumating sa kanilang buhay.
"Nabenta po ang aming bahay upang maibayad sa utang, ngayon po ay nangungupahan kami sa isang maliit na barung-barong. Dagdag pa ang pagkaopera ng aking anak sa kidney," anang ginang sa inilabas na pahayag ng PCSO.
Gagamitin daw niya ang napanalunan para muling itayo ang bumagsak na negosyo.
Samantala, sa hiwalay na pahayag ng PCSO, sinabing P24.684 milyon na jackpot prize naman sa Lotto 6/42 draw noong October 25, 2022, ang tinamaan ng 35-anyos na fish vendor mula sa Pasig City.
Kombinasyon umano ng mga numero ng kaniyang kapanganakan at ng kaniyang partner ang lumabas na mga numero na 28-10-30-08-01-16.
Gagamitin daw nila ang pera sa pagtatayo ng bagong negosyo at tutulungan ang kaniyang mga kapatid.
Isa naman sa dalawang nanalo ng P5.940 milyon premyo sa Lotto 6/42 draw noong November 8, 2022, ang 29-anyos na tricycle driver mula sa San Antonio, Zambales.
Mga numero rin ng kaarawan ang napili niyang tayaan at lumabas sa draw na 09-06-29-07-05-19.
Gagamitin daw niya ang napanalunan para sa pag-aaral at kinabukasan ng kaniyang mga anak. --FRJ, GMA News