Sinabi ng retired boxing referee na si Carlos Padilla na gumawa umano siya ng paraan para hindi matalo si Manny Pacquiao sa naging laban nito kay Nedal Hussein noong taong 2000 na siya ang referee. Ang naturang laban, mahalaga raw sa career noon ng Pambansang Kamao.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, umamin umano ang 83-anyos na referee at hall of famer na si Padilla na sinadya niyang bagalan ang pagbilang nang mapabagsak ng Australyanong si Hussein si Pacquiao sa Round 4 ng laban.

“I am Filipino and everybody’s Filipino watching the game, so I prolonged the count. I know how to do it. When he got up, I told him, ‘Hey, are you okay?’ That’s prolonging the fight. ‘Are you okay?’ ‘Okay, fight,” saad ni Padilla.

“Manny got knocked down. I thought he was going to get up, but his eyes were cross-eyed,” dagdag pa niya.

Sa isang punto ng laban, na-head butt pa raw ni Pacquiao si Hussein na dahilan para masugatan sa mukha ang Australyano. Pero sa halip na sabihing head butt ang nangyari, idineklara ni Padilla na lehitimong suntok mula kay Pacquiao ang sanhi ng pagputok ng sugat.

“If there is a butt, you stop [and tell] the judges ‘headbutt, headbutt!’. That’s a point deduction but if you don’t do that the fight continues meaning to say it’s a good clean punch,” giit pa ni Padilla.

Umabot sa Round 10 ang laban at nanalo si Pacquiao via technical knockout batay sa score cards ng mga judges mula Australia at Korea dahil sa tinamong sugat ni Hussein.

Sabi pa ni Padilla na importanteng laban iyon kay Pacquiao dahil ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataong lumaban sa world championship.

Panig ni Hussein

Nakausap ng GMA Integrated News si Hussein at sinabi nito na wala siyang sama ng loob kay Pacquiao. Gayunman, galit umano siya sa ginawa ni Padilla sa kanilang laban.

Giit ni Hussein, siya dapat ang nanalo sa naturang laban kung hindi tinagalan ni Padilla ang pagbilang nang mapabagsak niya si Pacquiao.

“The fight should not have gone in the forefront. Manny was hurt. If it was me, if Manny pulled me down, the referee would have stopped the fight. I would have won because it would have been a knockout,” giit niya.

Binanggit din ni Hussein na head butt ang pinagmulan ng sugat niya sa mukha. Pero tinanggap daw niya na panalo si Pacquiao batay sa scorecard ng mga judges.

Matapos ang mga isiniwalat ni Padilla, sumulat na raw ang abogado ni Hussein sa World Boxing Council upang hilingin na ideklarang no contest o walang panalo o talo sa labang iyon.

Dapat din daw bawiin ang lahat ng parangal ang ibinigay kay Padilla kabilang ang Nevada Boxing Hall of Fame.

“He should be held accountable. He should not be in any hall of fame because he’s not a credible referee. He’s a cheat,” dagdag pa ni Hussein.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag si Padilla ukol sa mga sinabi ni Hussein.

Reaksyon ni Pacquiao

Sinabi naman ni Pacquiao na muli niyang pinanood ang video ng laban nila ni Hussein, at sa tingin niya ay tama naman ang ginawa ni Padilla nang mapabagsak siya ni Hussein.

Naniniwala siya na tama rin ginawa ni Padilla na kunin ang atensiyon ni Hussein nang sandaling iyon dahil hindi ito nakikinig sa referee.

“Si Nadal Hussein, ayaw niyang makinig. Ayaw niyang makinig sa referee ‘dun siya nakapokus sa akin, nakatingin siya sa akin. So, karapatan ng referee talaga na kunin ang atensyon ng isang boksingero para makinig sa kanya,” paliwanag ni Pacquiao.

Nang tanungin kung tama ba [mabilis o mabagal]ang ginawang pagbilang ni Padilla sa kaniya, sinabi ni Pacquiao, "Hindi ko lang alam ‘yung count niya kung tama ba ‘yun, may video naman ‘yan. May replay naman ‘yan. So, I'm just doing my part as a boxer and sa tingin ko okay naman ang ginawa niya."

Ayon pa sa Pinoy boxing icon, mapapanood naman sa internet ang video ng naturang laban at hindi maitatago kung ano talaga ang nangyari.

"Tama naman ang ginawa ng referee. I don’t know kung bakit siya nagsalita ng ganon,” ani Pacquiao.

Nanindigan din si Pacquiao na uppercut [suntok] niya at hindi head butt ang dahilan ng pagkakaroon ni Hussein ng sugat sa mukha.

Sa hirit ni Hussein na ideklarang no contest ang naging kanilang laban, naniniwala si Pacquiao na malabo na raw itong mangyari.

Sa pananaw ni Quinito Henson

Ayon naman kay Quinito Henson, na nagsilbing sports analyst sa naturang laban, wala siyang naalalang head butt na nangyari.

Pero naging duguan umano ang mukha ni Hussein sa naturang bakbakan ng dalawa. At kahit ipinatigil umano ang laban dahil sa insidente bunga ng pagdurugo ng mukha ni Hessein, panalo pa rin sa iskor si Pacquaio.

“All three judges had Pacquiao winning at the point of stoppage. At that point even if it was stopped because of a cut due to a head butt panalo pa rin si Manny because he was ahead in the judges score cards either way Manny deserved to win that fight,” paliwanag ni Henson. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News