Arestado sa entrapment operation sa Masbate ang isang lalaki na nanghihingi umano ng hindi bababa sa P40,000 sa mga nabibiktima niyang nais maging pulis.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang naarestong suspek na si Reynaldo Andaya Jr.
Nadakip ang suspek sa entrapment operation ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa bayan ng Baleno.
Ayon sa awtoridad, nagpapanggap ang suspek na mula sa Recruitment and Selection Services ng PNP at nanghihingi ng pera ang nais maging pulis.
“Ang aplikante [hinihingan niya] ng around P40,000. Siya ‘yung ang mag-process daw, mayroon daw siyang kakilala du’n sa recruitment board sa Camp Ola sa Region 5. ‘Yun daw ang pambayad niya sa medical, sa dental, sa neuro, sa PFT hanggang sa pag-take oath na ng aplikante natin,” saad ni Masbate Provincial officer Police Major Dave Abarra.
Nabawi mula sa suspek ang perang ibinayad ng pulis na nagpanggap na aplikante para magamit na ebidensiya.
Wala pang komento ang suspek na nagpakilala ring kawani ng accounting office ng lokal na pamahalaan ng Masbate.
Dumagsa umano sa himpilan ng pulisya ang mga nabiktima ni Andaya, na mahaharap sa reklamong extortion robbery.
“Wala talaga siyang koneksyon du’n sa loob. Actually, sir may lima pang additional complainant na dumulog dito sa atin sa CIDG at nag-execute po ng affidavit. For filling na rin po ang complaint nila," anang awtoridad.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News