Dumadaing ang mga bumibili ng pulang sibuyas sa Zamboanga City dahil sa mataas na presyo nito na umaabot sa P300 ang bawat kilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nasa P260 per kilo ang pulang sibuyas noong nakaraang buwan.

Kaya maraming namimili ang nabigla at patingi-tingi na lang ang pagbili.

"Before makabili pa ako ng isang kilo. Pero ngayon P300 [ang isang kilo]. Ang kalahati, P140. P75 ang 1/4. Pang-household consumption lang ito. Grabe talaga as in grabe," ayon kay Ellen Agustin.

Idinahilan naman ng mga nagtitinda na limitado ang supply ng sibuyas kaya mataas ang presyo nito ngayon.

Posible pa umanong tumaas nang hanggang P340 per kilo ang presyo ng pulang sibuyan sa mga susunod na araw.

Ayon sa Office of the City Agriculturist sa Zamboanga City, mataas ang demand ng pulang sibuyas lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan ang isa sa mga dahilan kaya nagmahal ang presyo nito.

"There are so many factors that are affecting the increases of price of bulb onion. But one thing that is really very prevalent is the supply and demand. It is obvious that the supply is really very low and the demand keeps going higher," paliwanag ni Carmencita Sanchez, pinuno ng Office of the City Agriculturist. —FRJ, GMA Integrated News