Nasunog ang bahagi ng isang barangay hall sa Quiapo, Manila ngayong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Ralph Obina sa Super Radyo dzBB, sinabing sumiklab ang sunog sa loob ng barangay hall ng Barangay 306 Zone 30 sa Palanca Street.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Joey Uy Amisola, bandang 8:30 p.m. nang makarinig sila ng pagputok na nasundan ng pagsiklab ng apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy at nasunog ang command center ng barangay.

 

 

Wala nang mapakinabangan sa mga monitors at computers na ginagamit na CCTV ng barangay.

Hindi naman na nadamay ang ikalawang palapag ng barangay.

Umabot sa unang alarma ang sunog at mabilis na naapula ng 8:50 p.m.

Wala naman napaulat na nasawi sa insidente at inaalam pa ang sanhi ng sunog.--FRJ, GMA Integrated News