Nang dahil sa isang tinig, nagbago ang buhay at tumugon sa tawag ng panggagamot ang albularyong si Apo Chalyn. Ang faith healer, tinutulungan na rin ng kaniyang mga anak na biniyayaan ding magpagaling.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Oscar Oida, sinabing bago maging si Apo Chalyn, isang dating tricycle driver si Eric Dequito na nakulong dahil sa droga.

Ayon kay Apo Chalyn, may mahiwagang boses na kumakausap sa kaniya noon at tinawag siya para sa isang misyon.

"Lahat siguro ng bisyo napasukan ko na. That time na iiskor ako, may isang tinig narinig ko, kanan, habang nagmamaneho ako ng tricycle ko. Isang boses pero hindi ko makita, sa isip ko wala lang. Sabi niya 'Bumalik ka, bumalik ka,'" kuwento ni Apo Chalyn.

Nang makarating ng bahay at naging mapag-isa, biglang hindi makakita si Apo Chalyn at muling narinig ang bumubulong sa kaniya.

"Wala na akong makita. Mamaya may tinig na naman, 'Mamili ka, habambuhay kang bulag o tanggapin mo ang misyon mo?'" kuwento ni Apo Chalyn. "Siyempre ang iisipin nila, 'Anong nangyari? Ang ganda ng tama. Siyempre adik nga.' Ako, hindi ko naman ina-ano sa sarili ko ang mga ganu'n," dagdag niya.

Ang "Apo Chalyn" ay nakuha mula sa pangalan ng tumutulong na boses kay Eric.

Ipinagpatuloy ni Apo Chalyn ang kaniyang tawag, hanggang sa mayroon na ring gift of healing ang kaniyang mga anak.

Ang panganay niyang si Angelo, sinasaniban umano ni San Gabriel, kahit hindi niya ito tinuruan.

"Noong una po natatakot ako kaya hindi ko rin sana ito tatanggapin kasi nakakatakot talaga. Pero sabi ni papa biyaya daw ng Panginoon kaya kailangan kong tanggapin. 'Yung fallen angel po na San Gabriel 'yun ang totoo niyang pangalan. 'Yun ang sumasanib sa akin, bumubulong sa akin, nagga-guide sa akin kung ano ang gagawin," sabi ni Angelo.

"May bumulong lang sa amin, tapos may nakikita na kami. Mga demonyo po. 'Pag nanggagamot si papa tapos nakikita namin 'yung gumagambala sinasabi namin kay papa," sabi ng kambal na sina John Dave at John Eric.

Ano naman kaya ang masasabi ng isang doktor at Simbahan tungkol sa mga kumokonsulta sa mga faith healer tulad ni Apo Chalyn? Alamin sa video. —GMA Intergrated News