Isinabatas ng gobyerno nitong Oktubre ang SIM Card Registration Act, kung saan kailangan nang iparehistro ang mga ginagamit na SIM card o Subscriber Identity Module. May mga katanungan naman ang publiko, tulad ng kung paano magrerehistro kung dalawang SIM card ang ginagamit, at saan magpaparehistro.
Sa Need To Know, sinabing nakatakdang ilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas, katuwang ang telecommunications companies at iba pang stakeholder tulad ng National Privacy Commission.
Pero sa ilalim ng batas, ang public telecommunications entity (PTE) ang magtatakda ng website kung saan magpaparehistro ang mga end user.
Kapag nailabas na ang IRR, mayroong 180 na araw o anim na buwan para irehistro ang SIM card. Kabilang sa mga impormasyong kukunin ang full name, date of birth, sex, address at SIM number.
Irerehistro naman ang mga SIM card ng mga menor de edad sa kanilang mga magulang o guardian.
Ang mga PTE ay may responsibilidad din na magkaroon ng sariling database kung saan itatago ang data ng mga end user, na maaari lamang nilang gamitin para i-process, activate o deactivate ang isang SIM o subscription.
Wala namang babayaran ang mga end user para sa registration ng kanilang SIM card.
Kung hindi makakapag-register, made-deactivate ang SIM card.
Paniwala ng gobyerno, matutugunan ng batas ang nagkalat na mga text scam, pero naghayag naman ang privacy advocates na nakababahala ang bagong batas. —LBG, GMA Integrated News