Bistado ang dalawang bahay sa Ayala Alabang, Muntinlupa City na ginawa umanong shabu laboratory.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nasabat mula sa dalawang bahay ang mga hinihinalang droga na nagkakahalaga ng P136 milyon.
Nakumpiska rin ang mga makabagong makinarya na ginagamit sa mga iligal na gawain.
Batay sa ulat ni Bam Alegre, nadiskubre sa isang eksklusibong subdivision ang dalawang bahay na ginawang improvised shabu laboratory na pinapatakbo ng dalawang dayuhan, na nakapwa naaresto ng mga awtoridad, kabilang ang isang Pinoy na kasabwat.
Sa bisa ng isang search warrant, ginalugad ng mga awtoridad ang inuupahang mga bahay sa Ayala Alabang na inuupahan ng mahigit P300,000 kada buwan.
Tumambad sa mga pulis at mga operatiba ng PDEA ang sang damakmak na kagamitan na hinihinalang ginagamit sa paggawa ng shabu.
Ayon sa ulat, kung hindi natunton ang makeshift laboratory ay lilikha ito ng bulto-bultong iligal na droga.
Isasailalim sa drug analysis at inventory ang mga luto na shabu na nakalagay sa mga tray at ang kabuuang laman ay tinatayang 20 kilos ng "shabu" na may street value na P136M.
Aresto ang chemist na French, at nadakip din ang kanyang kasabwat na Pinoy.
Ayon sa mga awtoridad, isang buwan din ang ginawa nilang surveillance bago matunton ang laboratoryo ng shabu.
Samantala, malapit lamang ang pangalawang bahay na may kaugnayan sa nauang bahay sa "shabu" production. Nakita din doon ang ilang mga makina sa paggawa ng iligal na droga, at may nakuha din na isang bulto ng hinihinalang shabu.
Nahuli ang isa pang banyagang Canadian-Iranian.
Ayon sa PDEA, makabagong mga makinarya ang ginagamit ng mga suspek kaya umano hindi masangsang ang amoy sa paggawa ng droga.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga naarestong mga suspek.
Ayon kay Police Brig. General Kirby John Brion Kraft, Director ng Southern Police District, konektado sa international drug syndicate ang operasyon ng laboratoryo sa Muntinlupa. —LBG, GMA Integrated News