Nasagip sa Pasay City ang isang Malaysian at iba pang empleyado ng isang POGO company, nang magpatulong ang biktima dahil ilang buwan na siyang ginigipit at binubugbog umano ng kanilang amo.
Sa ulat ni Nico Waje sa “Unang Balita” nitong Miyerkoles, makikita ang ginawang pagharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang van na dumaan sa William Street kanto ng F.B. Harrison maghahatinggabi.
Pinababa ang mga driver at pinatalikod sa pader, habang sinasagip ng mga awtoridad ang nagsumbong na Malaysian, na anim na buwan nang ginigipit umano ng POGO company, ayon na rin sa timbre ng embahada ng Malaysia.
Kinilala ang Malaysian na si Brandon Lo, na naghahanap sana ng isang maayos na trabaho.
"They are forcing us to work everyday for 18 hours. It is a scam, it is actually a kind of job scam and also human trafficking," sabi ni Lo.
May mga insidente rin na binubugbog siya at ang iba pa niyang mga kapwa empleyado kapag hindi sila sumusunod sa gusto ng kanilang mga amo.
Bago mailigtas, binugbog pa umano si Lo at ginamitan ng taser.
Ayon sa dayuhan, hindi naman makapagsumbong ang iba pa niyang kasamahan dahil hindi nila alam kung paano.
"Most of the people here are also victims, they are Chinese from China and they couldn't speak in other languages. This is why they have difficulties in asking help from the authorities," sabi ni Lo.
"I feel relieved. We thought that there is no hope, but now yes, I can see hope," dagdag ni Lo matapos masagip.
Dinala ang iba pang empleyado ng POGO na nakasakay sa van sa tanggapan ng NBI para sa kanilang mga pahayag, at ang mga driver na ang ilan ay may dala pang baril.
Walang nadakip na may-ari ng kumpanya, at hindi muna pinangalanan ng NBI ang POGO company habang gumugulong ang imbestigasyon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News