Palaisipan pa rin sa mga doktor ang nangyari sa isang lalaki sa England matapos nitong ma-comatose ng isang buwan at nagkaroon diumano ng bagong abilidad. Anong abilidad naman kaya ito? Alamin.
Sa ulat sa GMA News Feed, sinabing September 2004 nang malagay sa bingit ng kamatayan si Moe Hunter matapos siyang ma-diagnose ng isang rare form ng bacterial meningitis at tuberculosis sa kaniyang utak.
Isang buwan siyang na-comatose matapos sumailalim sa operasyon. Tumigil din daw noon sa pagtibok ang kaniyang puso pero na-revive siya ng mga doktor, dagdag pa ng ulat.
Paggising ni Moe noong October 2004, wala siyang maalalang kahit ano tungkol sa kaniyang buhay.
Ang tanging naalala lang niya ay ang mga nakita niya sa panaginip habang nasa coma.
“It was really scary time for my family. I lost all my memory prior to that. I saw some crazy things in the coma while I was in there,” ani Moe.
May isa pang nangyari kay Moe na nakapagpamangha at gumulat sa mga doktor.
Paggising niya raw sa ospital, bigla siyang nagkaroon ng talento sa sketching at painting na hindi naman niya kayang gawin dati.
Nakakagawa na rin siya ngayon ng samu't saring scale models ng film characters.
Ang kaniyang mga obra ay naitampok na sa malalaking Comic-Con at gallery sa England.
Napukaw na rin niya ang atensyon ng mga movie creator at cast ng mga malalaking pelikula gaya ng Star Wars at Chappie.
“I really wasn’t creative before in the slightest. In fact people used to laugh at my drawings. I was more interested in going out, football and computer games. Even to this day some of my family can’t believe it, they’re still completely shocked,” saad ni Moe.
Ayon pa kay Moe, hindi rin maipaliwanag ng mga doktor ang nangyari.
Ang sigurado lang, naka-recover na ang mga katawan niya sa pinagdaanan nitong sakit bagaman hindi pa rin bumabalik ang kaniyang alaala. -Mel Matthew Doctor/NB, GMA News