Natagpuang patay ang dalawang menor de edad na magkapatid na babae sa Sta. Cruz, Davao del Sur matapos umano silang sakalin ng kanilang stepfather. Ang mga bata, hinihinalang ginahasa rin ng suspek.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing hustisya ang sigaw ng ina na overseas Filipino worker sa Saudi Arabia matapos malaman ang pagkasawi ng kaniyang 15-anyos at 9-anyos na mga anak.
“Hustisya lang ang hinihingi ko. Makuha ko ang hustiya… hustisya para sa dalawa kong mga anak. Wala silang kasalanan,” emosyonal na pahayag ng ina ng mga bata.
Ayon sa ulat, nangyari ang krimen sa loob ng kwarto ng kanilang bahay sa Purok Mangga, Barangay Inawayan noong November 11.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen. Ngunit naaresto siya ng mga awtoridad sa isinagawang manhunt operation sa Banisilan, North Cotabato.
Batay sa salaysay ng suspek, nag-away daw sila ng ina ng mga biktima na isa taon na niyang karelasyon sa social media ngunit kailanman ay hindi pa sila nagkikita.
Dagdag pa niya, ipinaubaya daw sa kaniya ang pag-aalaga sa mga bata.
Nitong nakaraan, mayroon daw silang hindi pagkakaintindihan na naging dahilan para ang mga bata ang mapagbuntunan niya ng galit.
Samantala, mariing naman itinanggi ng suspek na sa kaniya ang nakuhang hinihinalang ilegal na droga at improvised shotgun.
Isasailalim naman sa autopsy ang mga bangkay ng dalawang bata upang makumpirma kung ginahasa ang mga ito.
Sa ngayon, naghahanda ang awtoridad sa pagsasampa ng dalawang counts ng murder at illegal possession of firearms ng Sta. Cruz Police. Habang paglabag naman sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022 ang ikakaso sa kaniya ng Banisilan Municipal Police.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA News