Maaaring maharap sa reklamong grave threats at act of terrorism ang 16-anyos na Grade 9 student na lumilitaw na nasa likod ng bomb threat sa isang eskwelahan sa Taguig City noong nakaraang linggo.
Sa ulat sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng Taguig City Police na gumamit ng pekeng Facebook account ang suspek, at nagkomento sa Facebook live ng LGU noong nakaraang Lunes.
Nagbanta umano ang suspek sa komento na papatayin ang mga estudyante ng Signal Village National High School.
Dahil sa naturang banta, sinuspinde ang klase at pinauwi noon ang mga estudyante. Ngunit nang mag-inspeksyon ang mga awtoridad, walang nakitang bomba sa paaralan.
Ayon sa mga awtoridad, galit ang motibo ng estudyante sa kaniyang pananakot.
Posible umanong maharap ang suspek sa mga reklamong grave threats at act of terrorism, maging ang mga kasabwat kung mayroon man.
Nagpaalala naman si Taguig mayor Lani Cayetano na hindi dapat gawin pagbabanta na maaaring magdulot ng takot sa publiko, kahit pa sabihing biro lang ito. —Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News