Isang retiradong sundalo na may-ari ng security agency ang nasawi matapos tambangan malapit sa isang mall sa Quezon City nitong Lunes.

Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB,  kinilala pulisya ang biktima na si Ferdinand Martinez, may-ari ng Fine Rangers Security Agency.

Sa impormasyon na ipinadala ng QC Police District Station 15 sa Camp Karingal, sinabing sakay ng SUV ang biktima at binabaybay ang kanto ng Mindanao Avenue at North Avenue, nang pagbabarilin siya ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.

 

 

Dinala pa sa Veterans Hospital si Martinez subalit idineklara na siyang dead on arrival.

Ipinag-utos na ni QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III, ang manhunt operation laban sa mga salarin.

Ipinasusuri na rin kung mayroong CCTV sa nabanggit na lugar na makatutulong para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. —Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News