Patay sa engkuwentro ang isang dating kadete ng Philippine Merchant Marine Academy na hinabol ng otoridad matapos magpaputok umano ng baril sa Quezon City.

Nabaril din ang isang miyembro ng SWAT team na kasamang tumugis sa suspek na kinilalang si Martin Luther Nuñez, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang palitan ng putok sa pagitan ng suspek at mga miyembro ng Quezon City Police at SWAT sa isang subdivision sa Barangay 177 sa Caloocan City nitong Linggo ng hapon.

Tumagal nang ilang minuto ang putukan hanggang sa mabaril at mapatay si Nuñez.

Ayon sa pulisya, bago ang engkuwentro ay nagpaputok ng baril si Nuñez sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City. Hinahanap daw kasi nito ang taong nambasag ng salamin ng kotse ng ina niya.

Dito na raw hinabol ng mga pulis ang suspek hanggang sa makarating ito sa kaniyang bahay sa Caloocan.

Tinangka pa raw ng mga pulis na kausapin si Nuñez at inalok na sa Camp Karingal na lang matulog kasama ang kaniyang ina para makapag-piyansa agad kinabukasan, pero hindi raw ito nakinig at bigla na lang namaril gamit ang kaniyang Glock 45.

Nailayo naman sa lugar ang ina ng suspek bago nagkaputukan.

Samantala, namatay naman ang miyembro ng SWAT na tinamaan ng bala sa gitna ng engkuwentro. Kinilala siyang si Police Corporal Noel Ugano.

Isang opisyal ng Quezon City Police District naman na kinilalang si Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo ang sugatan.

Napag-alaman ng pulisya na marami nang reklamo laban kay Nuñez.

"Napag-alaman namin from the barangay captain na talaga namang karakter 'yung tao. Talagang sakit ng ulo. Matitigan mo lang daw sasapukin ka na o tututukan ng baril. Walang pinipili, talagang bully of the neighborhood," ani Police Brigadier General Nicolas Torre III, hepe ng QCPD.

May nakita rin daw na magasin ng M14 sa bahay ng suspek.

Sasampahan din daw ng reklamo ng mga pulis ang ina ni Nuñez, na hindi pa nagbibigay ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News