Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez ang kontribusyon ng mga kongresista na P5 milyon bilang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang pumatay sa brodkaster na si Percy Lapid.

Noong Biyernes, inanunyo ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo, ang P1.5 milyon na reward na ibibigay sa makapagtuturo sa suspek.

Ang P1 milyon ay galing umano sa "kaibigan" ng pamilya ng biktima, at P500,000 mula kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Romualdez na nababahala sila sa nangyari kay Lapid, o Percival Mabasa ang tunay na pangalan.

"The perpetrators and the masterminds behind this dastardly act must be brought to justice at all costs. Violence has no place in a civilized society like ours," giit ng lider ng Kamara.

Sinabi pa ni Romualdez na kailangang  protektahan ang kalayaan ng mga mamamahayag sa pagsasalita at pagpapahayag.

Gabi noong Oktubre 3 nang tambangan sa Barangay Talon Dos, Las Piñas si Lapid. Patungo ang biktima  sa kaniyang online broadcast program na "Lapid Fire" sa DWBL 1242. Isa rin siyang kolumnista sa pahayagang Hataw.--FRJ, GMA News