Nasapul sa dash cam ng sasakyan ng broadcaster na si Percy Lapid ang mga de motorsiklong salarin na bumaril sa kaniya Lunes ng gabi sa Las Piñas City.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa dash cam ng sasakyan ni Lapid ang dalawang lalaking nakamotorsiklo na nagmula sa isang kanto at bumubuntot.
Ilang saglit pa, nawala na ang mga lalaki sa frame, at narinig ang ilang putok ng baril.
Sunod namang bumangga nang ilang beses ang sasakyan ni Lapid sa kotse sa harapan.
Makikita pa sa dash cam na nag-U turn ang mga suspek bago lumayo.
Hindi naaninag ang mga mukha ng suspek dahil nakasuot sila ng helmet at dahil na rin sa ilaw ng mga sasakyan.
Nasa pulisya na ang video na bahagi ng ebidensya sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Lapid.
Lumabas sa ballistic examination na .45 pistol ang ginamit ng mga salarin.
Ayon kay Police Brigadier General Kirby Kraft, District Director ng Southern Police District, magsasagawa sila ng cross matching sa iba pang insidente ng pamamaril kung saan .45 ang ginamit.
Hindi pa rin masabi ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa broadcaster, at patuloy pa silang nangangalap ng ebidensya. -- Jamil Santos/BAP, GMA News