Isang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City nitong Linggo ng gabi dahil sa panggagahasa umano sa kanyang kapitbahay na person with disability (PWD).
Hindi na nakapalag ang suspek nang arestohin siya ng pulisya sa ikinasang follow-up operation ng Quezon City Police District Station 14, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Ang biktima na 23-anyos ay napaiyak na lamang nang makaharap ang suspek sa police station.
Una raw siyang nagsumbong sa kapitbahay bago madiskubre ng kamag-anak ang pangyayari.
Galit naman na kinompronta ng tatay ng biktima ang suspek.
Ayon sa suspek, madalas daw sila magka-chat ng biktima at may mutual understanding daw sila.
Kuwento pa niya, lasing daw siya nang puntahan siya ng biktima sa kubong tinutuluyan niya ngunit hindi niya alam na siya iyon. —KG, GMA News