Laking gulat ng isang babae nang madatnan niya ang kanyang apartment sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City na wala na ang mga mahahalagang gamit.

Nagbakasyon ang may-ari nang dalawang linggo nang mangyari ang pagnanakaw, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Kabilang sa mga natangay ng magnanakaw ay ang gas stove, LPG tank, bisikleta, mga sapatos, helmet, laptop, printer, at mga alahas.

"Pag-open ko ng gate, nakita ko na open na 'yung padlock and then sira na 'yung doorknob at window namin. And then pag-open ko ng house, nakita ko na wala na 'yung valuable things namin and gulo-gulo 'yung buong house," kuwento ng biktima.

Nakita raw ng barangay desk officer na may lalaking lumabas ng gate ng apartment na may dalang LPG tank at gas stove.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek na si Robert Apolinar, residente rin ng nasabing barangay, na dati nang nasangkot sa insidenteng pagnanakaw.

Inamin ng suspek na nagnakaw siya ngunit natukso lang daw siya nang may makita siyang may unang lumabas ng bahay na may bitbit na mga gamit.

Hindi raw siya ang unang nagnakaw sa apartment.

Naaresto rin ng mga awtoridad ang umano'y binabagsakan daw ng suspek ng mga nakaw na gamit. Kinilala silang sina Amor Legaspi at Joseph Piquero.

Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Station 14 ang mga suspek at mahaharap sila sa kasong robbery.

Samantala, hindi na nabawi ng biktima ang ilan sa mga nawawala niyang gamit tulad ng 11 na pares ng sapatos, printer, isa pang laptop, at mga alahas na mga pamana raw ng kanyang mga kamag-anak. —KG, GMA News