Iniutos umano ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pag-aralan ang posibilidad na isapribado ang EDSA Busway (EDSA Carousel).

Sa panayam ng "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni Undersecretary Mark Steven Pastor, na layunin ng pag-aaralan na alamin ang mga benepisyo kung pribadong sektor ang mamamahala sa operasyon ng busway system.

“Nagbigay po ng direktiba ang aming kalihim na si Secretary Jimmy Bautista na agad-agad ay aralin at gumawa ng feasibility study upang ating masukat, matukoy, at malaman kung ano  ba yung mga magiging benepisyo kung ang operations po ng ating busway system ay isasapribado at ibibigay po sa ating private sector participants,” sabi ng opisyal.

Idinagdag din ni Pastor na kailangan ding pag-aralan sa posibilidad na EDSA Busway privitazation ang iba pang usapin na nakapaloob sa sistema na nasa hurisdiksyon ng ibang ahensiya gaya ng mga bus unit at emprastraktura.

Nang tanungin sa posibilidad na tumaas ang singil sa pasahe sa EDSA Busway, sinabi ng opisyal na kasama iyon sa mga pag-aaralan at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang magpapasya.

Nananatiling libre sa ngayon ang pagsakay sa EDSA Busway sa ilalim ng “Libreng Sakay” program hanggang sa December 31, 2022.

Ayon kay Pastor, kasama rin sa pinag-aaralan sa posibilidad na privatization ay ang kalagayan ng mga kawani gaya ng mga driver ng bus.

Sa ngayon, mayroon umanong 500 bus units na gumagamit ng EDSA Busway. Hanggang nitong Agosto, ayon sa DOTr, nasa 335,000 pasahero ang naisasakay ng mga bus bawat araw.— FRJ, GMA News