Isang pulis ang natamaan ng bala ng dala niyang baril matapos aksidenteng pumutok ito habang siya’y namamalengke sa Koronadal City, South Cotabato.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, base sa panayam ng Super Radyo Gensan, kinilala ang pulis na si Patrolman Romgie Larroza Llorito.

Ayon sa hepe ng Koronadal Police na si Police Lieutenant Colonel Amor Somine, natamaan ng bala si Llorito sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Magbabayad na sana ang pulis sa kaniyang pinamiling gulay at dudukot na ng pera sa kaniyang bulsa nang biglang nahulog ang bitbit niyang baril at pumutok.

Nagpapagaling na si Llorito South Cotabato Provincial Hospital at nakatakdang operahan. — Alzel Laguardia/RSJ, GMA News