Arestado ng National Bureau of Investigation o NBI Lucena ang isang umano'y pekeng dentista na nag-o-operate raw sa Lucena City, Quezon at mga karatig bayan.
Kinilala ang naaresto na si Blanca Capisonda-Lobusta na mas kilala sa pangalang Tita Cosa na umano'y nagpapakilala na isang lisensyadong dentista.
Makikita sa video ang actual na pag-aresto ng NBI sa pekeng dentista sa isinagawang entrapment operation nitong Biyernes ng hapon sa isang pribadong resort sa Silangang Mayao, Lucena City.
Isang ahente ng NBI ang nagpanggap na magpapabunot ng ngipin. Agad namang kumasa ang pekeng dentista sa pain. Nang iabot na ng ahente ang bayad sa pagpapabunot ng ngipin ay doon na inaresto ng NBI ang sinasabing pekeng dentista. Hindi na ito nakapalag sa mga kagawad ng NBI.
Ayon kay Elbert Maliwanag, Executive Officer ng NBI Lucena, napagalaman rin na dati ng nahuli si Lobusta sa kasong iligal na pag-practice ng dentistry. Naka probation pa raw ang suspek sa mga panahon na ito kaya labis ang kanilang pagtataka sa lakas ng loob nito na gumawa ng iligal.
Nahaharap ngayon sa panibagong kaso ng paglabag sa Republic Act 94841 o ng Philippine Dental Act of 2007.
Nakuha sa suspek ang mga ilang gamit :
- Mouth Mirror
- Dental Aspirating Syringe
- Topical Anesthetic Agent
- Lidocaine Carpule
- Lidocaine Carpule (Anesthetic Agent)
- Dental Forcep
- Cowhorn Dental Forcep
- Dental Forcep
- Surgical Hand Instrument
- Short Needles and Local Anesthetic Agent.
Napag-alaman rin ng NBI Lucena na walang anumang hawak na papeles si Lobusta na magpapatunay na sya ay isang lehitimong dentista. Wala rin sya sa listahan ng ng lisensyadong dentista sa Professional Regulation Commission.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. — DVM, GMA News