Arestado ang limang South Korean na miyembro ng sindikato umano at gumagamit ng text scam para makapanloko, matapos magkasa ng operasyon ang mga awtoridad sa Parañaque City. Ang nakuhang pera ng mga suspek mula sa mga biktima, aabot na sa mahigit P1 bilyon.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita na hindi na nakapalag pa ang limang puganteng South Korean na inabutan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit, Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group at South Korean Police sa isang ekslusibong subdivision sa lungsod.
Sinabi ng FSU na isinasagawa ng Korean criminal syndicate ang kanilang operasyon sa Pilipinas gamit ang text scam para biktimahin ang mga kapwa Koreano.
"Nagpapadala sila ng mga text sa kanilang mga biktima na may kasamang link at kapag kinlick (click) itong link na ito ay mag-i-install ng malware sa kanilang cellphone kung saan mamo-monitor nila ang activity ng kanilang biktima sa cellphone," sabi ni BI FSU chief Rendel Sy.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may mga nabiktima na sila sa Pilipinas.
"Iniimbestigahan din natin, kasama ang ating CIDG, ang koneksiyon nila dito sa local kasi 'yung mga ginagawa nilang pang-scam ay madalas na ring makita natin sa ating mga local," sabi ni Sy.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga dinakip na Koreano.
Pinoproseso na ang kanilang deportation. —LBG, GMA News