Emosyonal ang tagpo nang muling nakasama ng isang baby sloth ang ina nito matapos silang magkahiwalay at masagip mula sa wildfires sa Bolivia.
Sa video ni Marco Antonio Germinger, na mapapanood sa GMA News Feed, tila umiiyak pa ang baby sloth habang lumalapit ang kaniyang ina.
Pagkalapit ng ina, hinalikan nito at niyakap ang anak.
Dinala sila sa Trinidad, Beni State sa Bolivia para sa pangangalaga.
"People were desperate because the sloths were in danger. Dogs were threatening them. When the mother sloth fled (the dogs), she left the baby 100 meters behind. Following our protocols, we got the cub to call out for his mom and get her to come back for him. That is when they were reunited," sabi ng beterinaryong si Dr. Marco Antonio.
Isinagawa ang ilang medical check-up sa mag-ina, at maganda ang naging resulta. Lumabas na malusog ang mag-inang sloths.
Muling pinalaya ang mag-inang sloth at nagsama sa Chuchini nature reserve. —LBG, GMA News