Napatay ng mga pulis ang isang suspek habang dalawa pa ang nakatakas matapos pagnakawan ang isang convenience store sa Rodriguez, Rizal.  Ang mga suspek, binakbak ang bubungan ng tindahan para makapasok.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kaagad na rumesponde ang mga pulisya nang makatanggap ng alarma tungkol sa nakawang nangyayari sa tindahan.

Sarado na ang tindahan pero mayroon itong CCTV camera sa loob na binabantayan ng security official ng tindahan.

“Tumawag sa amin ang security nila, nakita nila sa CCTV na may tao sa loob ng store nila,” ayon kay Rodriguez Municipal Police Station Chief Police Lieutenant Colonel Marcelino Pipo.

Sa imbestigasyon, lumitaw na dumaan sa bubungan ang mga kawatan, binutas ang kisame ng tindahan at bumaba sa loob gamit ang lubid.

Nakuha sa napatay na suspek ang ilang gamit sa ginawang panloloob, pera at isang baril.

Ayon sa pulisya, mayroon nang apat na insidente ng pagnanakaw sa mga convenience store ngayong taon sa kanilang lugar.

“Actually, matagal na naming minamanmanan itong grupo na ito,” sabi ni Pipo.

Pinasalamatan naman ng mga awtoridad ang sibilyan na tumulong sa kanila sa naturang pagresponde.

“Hindi po ko nagdalawang isip na tulungan ang kapulisan natin. Handa akong tumulong para malutas yung mga kriminalidad sa lugar natin,” ayon sa sibilyan na nagbigay ng hagdan para makaakyat sa bubungan ang mga pulis. --FRJ, GMA News