Inirekomenda ng Senate blue ribbon committee ang pagsasampa ng administrative at criminal charges laban sa isang opisyal ng Department of Agriculture at tatlong dating opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kaugnay ng kontrobersiyal na Sugar Order No. 4.
Ang mga pinakakasuhan sa Office of the Ombudsman ay sina:
- suspended Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian
- dating SRA administrator Hermenegildo Serafica
- dating Sugar Board member Roland Beltran, at
- dating Sugar Board member Aurelio Gerardo Valderrama Jr.
Sa report ng komite na pinamumunuan ni Sen. Francis Tolentino, nakasaad na batay sa "preliminary evidence on record" na ang apat na opisyal na pumirma sa SO 4 ay nakagawa ng— "administrative offenses of serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, and gross insubordination."
Nakasaad din sa ulat ng komite na nagkasala ng katiwalian, agricultural smuggling, at usurpation of official functions, ang mga inaakusahang opisyal.
Ang SO 4 ay nagsasaad ng kautusan na mag-angkat ng 300,000 toneladang asukal. Pero lumitaw na walang pahintulot ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tumatayong Agriculture secretary.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga opisyal na pinakakasuhan ng komite.
Kasabay nito, naghain din ng mga rekomendasyon ng komite ni Tolentino tungkol sa SRA at sa batas na may kinalaman sa pag-angkat ng produkto.
Ayon kay Tolentino, 14 sa 17 miyembro ng komite ang pumirma sa report, at isa ang may dissenting opinion.
"The committee secretary is directed to transmit the committee report to the appropriate government agencies for the filing of the proper cases relative to the committee report," ani Tolentino, na idineklara rin na tapos na ang imbestigasyon nila sa naturang usapin makaraan ang tatlong pagdinig.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III, na maglalabas ang minority bloc ng hiwalay nilang report tungkol dito. --FRJ, GMA News