Patay na ang magkapatid na suspek sa pananaksak sa Saskatchewan, Canada na ikinasawi ng 10 katao at ikinasugat ng 18 iba pa. Ang ikalawang suspek, nasawi matapos maaresto.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing hindi na umabot nang buhay sa ospital ang 32-anyos na suspek na si Myles Sanderson, na nadakip noong Miyerkules.

Ayon kat Federal police Assistant Commissioner Rhonda Blackmore, nagkaroon umano si Myles ng "medical distress" matapos madakip.

Dinala ang suspek sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival. Walang pang ibang detalye na inilalabas ang mga awtoridad tungkol sa kaniyang pagkamatay.

Noong nakaraang Linggo, nanaksak umano ng mga tao si Myles, at ang kapatid niyang si Damien, 31-anyos. Pinaniniwalaang sadyang tinarget ng mga suspek ang ilan sa mga biktima.

Ilang araw matapos tumakas at tugisin ang magkapatid, nakita ang bangkay ni Damien sa madamong bahagi ng Cree community.

Hinihinalang pinatay din ni Myles ang sariling kapatid.

Nitong Miyerkules, nadakip si Myles malapit sa bayan ng Rosthern sa Saskatchewan, nasa 100 kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng ginawa nilang madugong pag-atake.

Idineklara ni Blackmore,  na patay na ang magkapatid na suspek at maaaring hindi na nila malaman ang motibo sa ginawa nilang malagim na krimen.

Ayon kay Blackmore, naaresto si Myles kasunod ng mga sumbong sa pulis tungkol sa pagnanakaw ng sasakyan na armado ng patalim ang suspek.

"He was arrested by police and taken into custody," anang opisyal. "A knife was located inside the vehicle."

Lumitaw sa imbestigasyon na maraming beses nang nakasuhan si Myles. Bago ang malagim na krimen, pinaghahanap na ng mga pulis si Myles dahil sa paglabag sa kaniyang parole kaugnay sa kasong assault and robbery.

Mag-iinang biktima

Kabilang sa mga nasawing biktima sina Bonnie Burns, 48, at anak niyang si Gregory Burns, 28.

Sumaklolo umano si Bonnie nang makitang sinasaksak ang anak na si Gregory.

Namatay ang mag-ina na magkatabi.

Sugatan din sa pag-atake ang isa pang anak ni Bonnie na nilaslas ang leeg.

Ayon sa mga opisyal, anim sa mga nasawi ay lalaki, apat ang babae. Nasa edad sila na 23 hanggang 78.

Sa mga nasugatan, 10 pa ang nasa ospital, at dalawa ang kritikal ang kalagayan, ayon sa Saskatchewan Health Authority.—AFP/FRJ, GMA News