Hiniling ng mga magulang ni Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na iapela kay Indonesian President Joko Widodo na mabigyan ng executive clemency ang kanilang anak na nasa death row ng nasabing bansa.

Sa sulat, sinabi ng mag-asawang Cesar at Celia Veloso na nakakuha sila ng impormasyon na magtutungo sa Indonesia si Marcos para sa state visit. Maaari umanong tamang pagkakataon ito upang iapela ang kalagayan ni Mary Jane.

“Kaya't nakikiusap po kami sa inyo Mahal na Pangulo na humiling ng executive clemency kay Pangulong Joko Widodo ng Indonesia para palayain na si Mary Jane Veloso. Mahigit na po na labing dalawang (12) taon siya sa piitan at nakawalay sa kaniyang dalawang anak," ayon sa mag-asawa.

"Nalaman po namin sa media na bibisita kayo sa Indonesia sa Setyembre 5, 2022 at nakikiusap po kami na sana'y gamitin ang magandang pagkakataong ito upang pakiusapan si Pangulong Joko Widodo na palayain na si Mary Jane Veloso batay po sa humanitarian consideration. Sana po ay maisama na niyo pauwi si Mary Jane,” dagdag nila.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, na tatalakayin ni Marcos ang kaso ni Veloso sa mga opisyal ng Indonesia sa gagawin nitong state visit sa susunod na linggo.

Nakakulong si Veloso sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking. Itinanggi niya ang alegasyon at iginiit na nilinlang siya ng kaniyang recruiter na nagpadala ng suitcase na naglalaman pala ng ilegal na droga.

Nakatakda sanang ipataw kay Veloso ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad noong 2015, pero hindi itinuloy dahil sa apela ng noo'y Presidente na si Benigno Aquino III.

Pumayag naman si Widodo sa hiling ni Aquino matapos na maaresto sa Pilipinas ang recruiter na sinasabi ni Veloso na nanlinlang sa kaniya.—FRJ, GMA News