Hindi maiwasan ng ilang tao na tawaging "Big Show" at "Dabiana" ang isang babae na 230 pounds ang bigat dahil sa hilig niyang kumain at humilata. Ngunit napag-isip siya sa kaniyang lifestyle nang pag-usapan maging ng mga foreigner ang kaniyang timbang habang nasa Japan.

"Noong 13 ako, doon na nag-start 'yung pagiging mataba ko. 'Yun na 'yung malakas akong kumain, wala na akong pake. Nakakapitong kanin ako. Nakakaubos ako ng crispy pata, siguro dalawa," kuwento ni Dianne Medina sa "Pinoy MD."

Pagkatapos kumain, hihilata naman si Dianne at kakainin ang kaniyang dessert na tsokolate.

"Isa raw akong Big Show, Dabiana, taba, lahat na. Kahit 'yung mama ko ang tawag sa akin 'Taba.' Wala akong pake hanggang doon sa nag-college ako," sabi ng dalaga, na lumiit ang kumpiyansa sa sarili dahil sa pang-aasar sa kaniya.

Bukod sa hirap humanap ng kakasyang damit, ininda ni Dianne ang masasamang epekto ng pagtaba sa kaniyang kalusugan.

Mas madaling sumpungin si Dianne ng hika, at minsan na rin siyang naospital dahil dito. Agad ding sumasakit ang kaniyang tuhod, at hirap siyang magtali ng sapatos.

Naging wake up call kay Dianne ang kaniyang karanasan nang magpunta siya noong 2019 sa Japan, kung saan lahat ng babae roon ay petite.

"Bumili ako sa grocery. Pagbalik ko, kasi dapat may bibilhin ako ulit. Pagtingin ko ulit sa likod ko sila, tumatawa silang apat, 'yung mga Hapon. Doon 'yung, ang sakit, pinagtatawanan nila ako, tapos bigla silang tumahimik noong pagharap ko," sabi ni Dianne.

Pag-uwi sa Pilipinas, dito sinimulan ni Dianne ang halos araw-araw na ehersisyo, at binago rin niya ang kaniyang diet.

Mula sa 230 lbs, 160 lbs o nakapagbawas na ngayon ng 70 lbs si Dianne. Lumiit ang kaniyang baywang at pumayat ang kaniyang mga binti at braso, at nabawasan din ang kaniyang chubby cheeks.

Nakapagsusuot na rin si Dianne ng mga gusto niyang damit at lumakas din ang kaniyang pangangatawan.

Hindi na kanin kundi prutas na ang madalas niyang kinakain, na mas mababa ang calorie content. Paborito na niya ngayong snack ang yogurt, at nakatulong din sa pagbabawas ng timbang niya ang Chia seeds.

Ibinabahagi ni Dianne ang kaniyang fitness journey sa kaniyang Tiktok.

"'Uy ang sexy mo! Inspiration kita' 'Nakita ko 'yung Tiktok mo, ang laki ng ipinagbago mo.' Masarap sa pakiramdam kasi nagiging motivation ka nila," sabi ni Dianne.

Tunghayan sa Pinoy MD ang fitness regimen ni Dianne kaya nakapagbawas siya ng 70 lbs.

 

—LBG, GMA News