Kalaboso ang tatlong pulis matapos umano mangotong sa isang tricycle driver sa Paco, Manila.

Iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkules na ang mga suspek na pulis ay mga tauhan ng bagong Police Community Precinct 5, at nahuli sila sa isang entrapment operation.

Pangongotong sa isang tricycle driver dahil umano sa pag-counter flow, at kawalang lisensya ang reklamo laban sa kanila.

Hiningan umano ng mga suspek ng P2,000 ang biktima para makalaya na ito at hindi ma-impound ang kanyang sasakyan.

Ayon kay Police Brigadier General Warren De Leon, director ng PNP-IMEG, marami pa umanong complaints ng pangongotong ang natanggap ng police station.

Sasampahan ng patong-patong na reklamo, kabilang ang robbery extortion, ang mga suspek.

Dagdag pa umano  ang kasong administratibo sa mga reklamo na isasampa laban sa kanila. —LBG, GMA News