Inaprubahan ng House Suffrage and Electoral Reforms committee ang mga panukalang batas na naglalayong huwag nang gawin ngayong 2022 ang barangay at Sangguniang Kabataan elections, at sa halip ay iurong ito sa December 4, 2023.

Sa pagdinig ng komite, nasa 12 kongresista ang bumoto pabor para sa mga panukalang batas na ipagpaliban ang naturang halalan. Sa kabila ito ng  babala ng Commission on Elections (Comelec) na magdudulot ng dagdag na P5 bilyong gastusin kung ipagpapaliban ang SK at barangay elections na dapat na gawin sa darating na Disyembre.

Nagpahayag ng pagtutol sina party-list Reps. France Castro (Alliance of Concerned Teachers) at Raoul Manuel (Kabataan), laban sa pagpapaliban ng halalan.

Dahilan nila, inaalisan ng panukala ng karapatan ang mga tao na pumili ng kanilang mga lider.

Inaprubahan din ng komite ang mosyon na bigyan ng tatlong taong termino ang mga barangay official na mahahalal sa December 2023, at magsisimula ang kanilang termino pagsapit ng tanghali ng January 1, 2024.

Kabilang si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa mga mambabatas na naghain ng panukalang batas na ipagpaliban ang SK at barangay elections.

Idinahilan niya ang malaking gastos sa pagdaraos ng halalan. Aniya, maaari umanong ilipat sa ibang programa na kailangan ng pondo ang matitipid sa pagpapaliban ng eleksiyon.

Ayon pa kay Hataman, tinatayang mahigit P8 bilyon ang matitipid ng gobyerno na hikahos ngayon sa pondo kapag ipinagpaliban ang naturang halalan.

Gayunman, nauna nang sinabi ni Comelec chief George Garcia sa komite na madadagdagan lang ang gastos ng gobyerno kapag ipinagpaliban ang halalan dahil mapipilitan na naman silang buksan pagpaparehistro ng mga bagong botante.

"If we postpone it to March or December 2023, we will have to continue registration of new voters. This will mean additional voters, additional ballots [to be printed], additional teachers [to serve as poll workers], additional precincts, additional election paraphernalia [to buy]," paliwanag ni Garcia.

"It will entail additional cost. If we factor the increase in honoraria expense for our teachers, it would be an additional P5 billion," dagdag pa niya.

Taliwas ito sa nauna niyang pahayag noong Mayo na malaking katipiran sa gobyerno kung hindi na muna gagawin ang 2022 barangay at SK elections.--FRJ, GMA News