Isang doktor sa isang ospital sa Makati City ang nahaharap sa reklamo dahil sa umano'y pangmomolestiyang ginawa nito sa isang pasyenteng lalaki.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, ipinakita ang CCTV footage sa loob ng ospital nang sunduin ng inirereklamong doktor sa kuwarto ang 18-anyos na pasyenteng itinago sa pangalang "Vergel."

Isinama umano ng doktor ang pasyente na may nakakabit pang suwero para isailalim umano sa medical procedure bunga ng nararamdamang sakit sanhi ng appendix noong Marso 7.

“Nagtataka ako kung bakit malayo yung pupuntahan namin, pero hindi niya ako ina-assist kahit sa suwero ko or bigyan niya man lang ako ng wheelchair,” ani Vergel.

Sa CCTV footage, nakitang pumasok ang dalawa sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng ospital. Ayon sa biktima, sinabi sa kaniyang doktor na sasailalim siya sa ultrasound pero nagtaka siya dahil walang aparato sa kuwarto.

Doon na umano siya ginawan ng kahalayan ng doktor. Makikita rin sa footage na patakbong lumabas ng kuwarto ang pasyente na bitbit ang dextrose habang nakasunod sa kaniya ang doktor.

“Pinilit kong tumakbo sa third floor kahit masakit yung tiyan ko. Natutulog noon si lola tapos ginising ko siya sabi ko umalis na tayo dito,” sabi ni Vergel.

Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang biktima para magsampa ng reklamo laban sa doktor.

“Siguro po ang iniisip nitong doktor hindi mararamdaman nung biktima dahil nga may anesthesia na pero nagkamali po itong subject natin dahil naramdaman pa rin at nakita nung bata yung ginawang panghahalay sa kaniya,” ayon kay Atty. Jun Dongallo, regional director ng NBI-NCR.

“Tinutukan ito ng NBI para mabigyan din ng hustisya kung ano man ang nangyari dito sa ating complainant. Ito rin ay isang avenue na tawagin kung sino man ang posibleng naging biktima na lumantad dito sa aming opisina para maimbestigahan din namin ang kanilang mga kaso,” sabi naman ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.

Sinubukan ng GMA News na mahingan ng komento ang ospital sa Makati at ang doktor. Wala pang pahayag ang ospital, habang nagbitiw na umano ang doktor, ayon sa ulat.

Reklamong Acts of Lasciviousness ang isasampa ng NBI laban sa doktor, na nais din ng biktima na matanggalan ng lisensiya.--FRJ, GMA News