Makatitikim muli ng bahagyang bawas sa babayaran sa kuryente ang mga kostumer ng Manila Electric Co. (Meralco) dahil sa ipatutupad na bawas singil sa Agosto bunga ng refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ngayong Lunes, sinabi ng Meralco na nababawasan ang overall rate sa typical household ng 20.87  sentimos per kilowatt-hour, o P9.5458/kWh mula sa P9.7545/kWh noong Hulyo.

Dahil dito, ang residential customer na komukonsumo ng 200 kWh ay magkakaroon ng bawas sa singil ng nasa P42 sa kaniyang power bill.

Matatandaan na iniutos ng ERC sa Meralco noong nakaraang buwan na mag-refund sa mga kostumer ng P21.8 bilyon sa loob ng 12 buwan hanggang mabuo ang pagbibigay ng refund.

“The implementation of distribution-related refunds totaling P48.3 billion as ordered by the ERC continues to temper customers’ monthly bills. This is equivalent to a total refund rate of P1.8009 per kWh for residential customers,” ayon sa Meralco.—FRJ, GMA News