Isang 72-anyos na biyuda sa Tanay, Rizal na tumanda na umano sa pagtaya sa lotto ang isa sa dalawang nanalo sa mahigit P34 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 drawn noong July 7, 2022.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Martes, sinabing kinuha na ng biyuda at 49-anyos na civil servant mula sa San Jose, Occidental Mindoro, ang parte ng kanilang tinamaang premyo.
Nagkakahalaga ng P34,838,186.80 ang jackpot prize na pinaghatian ng dalawa matapos nila makuha ang winning combination na 09-10-42-08-13-41 sa Lotto 6/42 draw noong nakaraang July 7.
Malaking kasiyahan umano sa biyuda ang natanggap na biyaya dahil umaasa lang siya sa kaniyang mga anak.
“Wala akong trabaho o 'di kaya ay pensyon man lang. Umaasa na lang ako sa aking mga anak. Tumanda na ako sa paglalaro ng lotto at 'di ko lubos akalain sa ganitong edad ko mapapanalunan ang jackpot," ayon sa biyuda.
Samantala, inihayag naman ng isa pang nanalo na petsa umano ng kapanganakan ng kanyang mga magulang ang kaniyang tinayaan.
“Every time na maiisip kong tumaya, 'di ako nagdadalawang-isip na pumunta agad sa lotto outlet para sumubok. Wala naman kasing nakakaalam kung kailan tayo dadalawin ng suwerte," pahayag niya.--FRJ, GMA News