Hindi pinalampas ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang ilang komento ng netizens sa social media na pumuri at itinuring bayani si Chao Tiao Yumol, ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa tatlo katao sa Ateneo campus noong July 24.
Sa kaniyang privilege speech nitong Martes, sinabi ni Hataman na mayroon pang mga nagkomento na binibigyang-katwiran ang ginawa ni Yumol na naging dahilan ng pagkasawi ni dating Lamitan Mayor Rose Furigay, ang executive aide niyang si Victor Capistrano, at ang guwardiya sa Ateneo na si Jeneven Bandiala.
Sugatan din ang anak ni Furigay na si Hannah.
"Pardon me for expressing disappointment over what we see and hear on social media regarding this case. Ito ang lubha kong ikinakabahala, Mr. Speaker. Ang paglaganap ng kultura ng karahasan sa ating lipunan," ayon kay Hataman.
"Kailan pa naging tama ang pagpatay? Kailan pa naging tama ang purihin at ilagay sa pedestal ang isang taong kumitil ng tatlong buhay, sa loob ng isang paaralan, at nandamay ng mga inosente?" dagdag niya.
Iginiit ni Hataman na, "There is no justifiable reason to murder anyone, at hindi tamang purihin o suportahan ang pagkitil ng buhay. Not now, not ever."
Ipinaalala rin ng mambabatas na dapat maging responsable ang mga tao sa kanilang ginagawa o sinasabi--sa online man o real life.
Bagaman pinoprotektahan ng Saligang Batas ang kalayaan sa pagpapahayag, sinabi ni Hataman na dapat magkaroon ng batas para pigilan ang mga pahayag na nag-uudyak na gumawa ng karahasan.
"Kung pareho nating nakikitang mali ang pagpuri at pagsuporta sa isang krimen sa social media, ano ang puwede nating gawin tungkol dito? Payag ba tayo na hulmahin ng social media ang ating mga values bilang mga Pilipino? Lalo na ang ating mga kabataan?," tanong ni Hataman. —FRJ, GMA News