Huli sa entrapment operation sa Batangas City ang dalawang babae na inireklamo na pekeng screenshot ng online payment ang ibinabayad umano sa mga alahas na ino-order online.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing sinubaybayan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang delivery rider na naghatid ng pinakabagong inorder na alahas ng suspek.
Nang kunin na sa delivery rider ang alahas, isinagawa na ang pag-aresto.
Nadakip sa bahay sina Jean Suayan at Maedy Torres.
Batay sa reklamo ng biktima, sinabi ng NBI na umu-order ng mga alahas ang suspek at magpapadala ng screenshot ng bank transfer na patunay na nagbayad na ito.
Pero natuklasan ng biktima na walang pumapasok na bayad sa kaniyang account at peke umano ang mga screenshot.
Tinatayang mahigit P100,000 halaga umano ng alahas ang nawala sa biktima.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya at iginiit na hindi siya scammer.
Gayunman, napag-alaman ng NBI na may iba pang "deregatory" record ang suspek sa ibang lugar na may kaugnay sa estafa at carnapping.
Hinikayat ng NBI ang iba pang posibleng nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan para magsampa ng reklamo.--FRJ, GMA News