Inihayag ni Senador Robin Padilla na pabor siya sa joint oil exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea na hindi isinusuko ang pag-angkin sa naturang teritoryo. At kung sa China ang mga kasangkapan na gagamitin sa pagmimina, payag ang bagitong mambabatas na makalamang ang mga Tsino sa hatiang 60-40.

Sa pakikipag-usap ni Padilla sa mga mamamahayag nitong Huwebes, binigyan-diin niya na nahaharap ngayon ang bansa sa maraming problema, kabilang na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa actor-turned-politician, mayaman ang bansa sa likas-yaman gaya ng natural gas at langis pero nagagamit nang husto.

"Basta ang kailangan lang natin ngayon, imbes na inaaway natin ang China magkaroon na lang tayo ng joint exploration sa kanila sa West Philippine Sea," sabi ni Padilla.

"Nagpunta ako roon, galing ako roon. Walang pinakamaganda kundi... bakit 'di natin sabihin sa China, bakit 'di tayo mag-usap para sa profit? 'Wag muna natin pag-usapan ang teritoryo kasi 'di tayo magkaintindihan diyan. Ang pag-usapan natin ang kita. Mag-mosquito ka na diyan, bumutas ka na diyan," patuloy niya.

Maaari umanong magkaroon ng kasunduan na 60 porsiyento ng kikitain sa pagmimina ay mapupunta sa China, at 40 porsiyento naman sa Pilipinas.

"Kung gusto n'yo 60 sa inyo, 40 sa amin. Basta pagkakitaan na natin siya [WPS]. 'Wag masyadong maging matigas kung kumakalam ang sikmura ng taumbayan. Mahirap maging matapang masyado nang gutom ka kasi ang katapangan na 'yan nagiging pang-siraulo na 'yan," paliwanag niya.

Ayon kay Padilla, maaaring ibigay sa China ang 60% ng kita sa joint exploration dahil sa kanila manggagaling ang mga kagamitan sa pagkuha ng langis sa WPS.

Sa kabila nito, nilinaw ni Padilla na hindi mangangahulugan na isinusuko ng Pilipinas ang pag-aari sa naturang teritoryo.

"Ngayon, problema natin saan kukuha ng langis. Nag-offer ang Russia ng langis ayaw natin baka ma-sanction tayo. Dami nating problema mismo e. May langis tayo, may gas tayo, ang akin, para maging praktikal na muna tayong mga Pinoy. 'Di ko sinasabing ibahag natin ang buntot natin, wala tayong ibibigay na teritoryo," giit niya.-- FRJ, GMA News