Aminado ang bagitong senador na si Robin Padilla na hirap siya sa pag-unawa sa deliberasyon sa Senado kapag gumamit na nang malalim na Ingles ang ilan sa kaniyang mga kasamahang senador sa plenaryo.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, ginawang halimbawa ni Padilla ang palitan ng paliwanagan nina Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, Minority Leader Aquilino Pimentel III, at Sen. Francis Tolentino.
"Hindi naman lahat hindi ko naiintindihan. 'Pag gumamit lang sila ng mga English na pang dictionary, marami talaga eh. Minsan biglang... lalo 'pag nagtatalo na," natatawa niyang kuwento.
"Nung nagtalo si Senator Legarda saka si Senator Tolentino at saka si Senator Koko, 'yon nagkalabasan na ng mga Webster [dictionary] doon...Medyo tenga ko ang dumugo," patuloy niya.
Natatawa pang sabi ng actor turned politician: "Kunwari tumatango-tango ka pa. Pero nasa isip mo: 'Ano daw?'"
Nagagawa naman daw niyang unawain ang mga pinag-usapan kapag mayroon nang "journal," o transcript nang nangyaring deliberasyon na makukuha bago ang sesyon kinabukasan.
Sa ngayon, sinabi ni Padilla na masaya siya sa kaniyang bagong trabaho.
"Nakakapanabik. Araw-araw gusto mong umaga na para makapunta ka na doon [sa Senado]," pahayag niya.
"Kailangan lang makibagay talaga ako. Kasi ayoko na uli maulit 'yung mga mali kong...para sa ‘kin kasi, team player ako eh. Akala ko kasi puwede 'yung ganun, na 'pag mayroon kang gustong reaction, puwede mo nang gawin," sabi ni Padilla, patungkol sa ginawa niyang pagpapahayag na hindi siya makikibahagi sa pagboto ng mga senador na gawing majority leader si Sen. Joel Villanueva.
Ayon kay Padilla, naayos na umano ang naturang usapin tungkol kay Villanueva. Katunayan, kung magkakabotohan muli ng botohan ay boboto raw siya kay Villanueva bilang majority leader.
Sa unang linggo niya bilang senador, sinabi ng aktor na nalaman niya ang umiiral na tila "kapatiran" ng mga senador.
"Pinipilit naman ni [Senate president Miguel Zubiri] na ma-welcome ako. Siyempre bago ka eh, para sa eskwelahan din 'pag bago ka, makisama ka muna. Pinipilit ko naman makisama," sabi pa ni Padilla. --FRJ, GMA News