Patuloy na hinahanap ang isang lalaki at isang babae na tinutukan ng baril bago sapilitang isinakay sa SUV ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa San Andres, Maynila.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagdaan ng isang SUV noong Hulyo 4, na nakailang ikot sa lugar.

Maya-maya pa, dumaan din ang mga biktimang lalaki at babae, samantalang nakabuntot na pala ang SUV sa kanila.

Sa isa namang kuha, makikitang tumigil ang SUV. Nang bumukas ang pinto ng sasakyan, dito na lumabas ang ilang lalaki, tinutukan ng baril ang dalawang naglalakad, at puwersahan silang pinasakay sa sasakyan.

Ito na ang huling pagkakataon na nakita si Anamelyne Lunar, ang babaeng naglalakad na nakunan ng CCTV.

Palaisipan pa rin sa kapatid ni Lunar ang nangyari sa ate nito. Bukod dito, wala rin silang balita sa kasamang lalaki ni Lunar.

Bago ang insidente, nanggaling si Lunar sa Traffic Bureau ng Maynila matapos na may sumaging motor sa nirerentahan nilang SUV.

“Ang sabi po sa amin ng mga pulis, may concerned citizen na napadaan doon sa insidente na vehicular accident, tapos dinala raw sila sa Traffic Bureau. Doon po sila pinag-ayos, inareglo, nagbayad ng P500 ‘yung grupo ng ate ko doon sa bangga. Sinabi nilang nabangga nila. Doon na po natapos ‘yon,” saad ng kapatid ng biktima.

“Pagkatapos po nila roon, tumawid po sila ng kalsada, doon na po sila in-abduct,” dagdag pa ng kapatid ni Lunar.

Idinulog na ng mga kaanak ni Lunar ang pangyayari sa Philippine National Police.

“Sana po talaga buhay pa siya. Malakas po ‘yung paniniwala namin na buhay pa ‘yung ate ko,” saad ng kapatid ng biktima.

Sa mga may impormasyon sa kinaroroonan ni Anamelyne Lunar, maaaring i-contact ang numerong 0917-656-4902. —VBL, GMA News