Nasawi ang isang lalaki matapos humantong sa trahediya ang masaya sanang pagdiriwang ng Taguig River Festival nang lumubog ang dalawang bangka na overloaded umano.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood sa video na habang nagsasalubong ang dalawang bangka sa fluvial parade, nagsitalunan na ang mga pasahero ng isang bangka na dahan-dahang lumulubog.

Ilang saglit pa, tuluyan na ring lumubog ang isa pang bangka dahil lumipat umano dito ang mga sakay ng bangkang unang lumubog.

Nakaligtas ang halos lahat ng sakay ng mga bangka, maliban kay Jester Romero, na magdamag na hinanap ng mga awtoridad at mga residente.

Nakita ang mga labi ni Romero kaninang umaga.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima na panata ni Romero na sumali sa taunang Pagodahan River Festival, bilang pagdiriwang sa pista ng Patrona ng Taguig na si Santa Anna.

Gayunman, hindi nagsabi si Romero sa pamilya na dadalo siya.

Base sa tala ng PNP, 25 katao ang nailigtas, kasama si Yvette Alonzo, na kasama ni Romero nang lumubog ang bangka.

Hindi umano marunong lumangoy si Romero.

Ayon sa Bambang PIO, overloaded o masyadong marami ang sakay sa isang bangka.

Inihayag din ng lokal na pamahalaan ng Taguig at Archdiocesan Shrine of St. Anne, na arkilado ang mga lumubog na bangka at hindi kasama sa mga opisyal na kalahok sa pagoda.

Naka-life vest umano at may safety briefing at may mga kasabay na rescue boat ang mga opisyal na kasama.

Nagpaabot na ang mga awtoridad ng tulong sa pamilya ni Romero at patuloy na tutugunan ang kanilang pangangailangan.

Ipagpapatuloy ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa insidente. --Jamil Santos/FRJ, GMA News