Inaresto ang tatlong lalaki nang mabisto ng mga awtoridad na hindi tugma ang plaka na nakakabit sa kanilang sasakyan, at may dala pa silang mga baril na walang papeles sa Panay Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa isang video ang mabilis na pagpapababa ng sasakyan at pagdakip ng mga tauhan ng Highway Patrol Group- National Capital Region (HPG-NCR) at Land Transportation Office (LTO) sa tatlong lalaki sa nasabing kalsada. 

Ayon sa HPG, ang plaka ay para sa mas lumang sedan.

Nakitaan din ng logo ng Office of the President sa unahang windshield ng sasakyan.

"Nang tanungin na sila ng tropa natin, nakitaan nila na 'yung isang pasahero nila ay may nakausling baril kaya madali in-effect 'yung arrest ng ating tropa," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, hepe ng HPG-NCR.

Nang isagawa ang inspeksiyon sa kotse, lumantad ang dalawang 9 mm pistol, isang .45 caliber handgun at mga bala na mga walang papeles.

"Pangsuporta sa kaniya kasi minsan may dala siyang pera na malaki 'pag umaalis, bumibili ng truck," sabi ng suspek na si Edison Tauro.

"Coding po kami kahapon kaya nagpalit po ako ng plaka, inutos ko sa kanila," sabi naman ni Rocky Claud Rol.

"Hindi ko po alam na may baril 'yan doon, driver po nila ako," sabi naman ng lalaking nagpakilalang driver ng grupo.

Ayon kay Mendoza, patuloy ang imbestigasyon kung kasama ang mga suspek sa mga grupo na magsasagawa ng kaguluhan umano sa darating na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. —Jamil Santos/VBL, GMA News