Patay ang isang babae sa Quezon City matapos umanong anurin ng baha sa kasagsagan ng malakas na ulan nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, nasawi ang biktima habang sinusugod sa Quezon City General Hospital.
Batay sa police report ng QC Police District (QCPD), Talipapa Police Station 3, bandang 12:05 ng madaling-araw nang matagpuan ng isang dispatcher na si Jeffrey Fariñas ang biktima habang nakahandusay sa Pasong Tamo Bridge 3 sa Mindanao Avenue.
Katuwang ng mga tauhan ng barangay, naisugod ang babae sa ospital kung saan siya idineklarang patay bandang 12:45 ng umaga.
Inaalam pa ng QCPD ang pagkakakilanlan ng biktima at iimbestigahan na rin kung paano inanod ang kanyang katawan. —Mel Matthew Doctor/LBG, GMA News