Muling pinaigting ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang kampanya laban sa mga motoristang may wang-wang at blinker ang sasakyan. Ang isang nasita, walang plaka at hindi nakarehistro ang sasakyan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga lugar na nagkaroon ng kampanya kontra wang-wang at blinker ang Davao City.
Ang isang SUV na sinita ng mga awtoridad pero hindi ito tumigil sa checkpoint. Ngunit hindi siya nakalayo matapos siyang habulin ng mga pulis na nakasakay sa motorsiklo.
Bukod sa kinukumpiska ang mga wang-wang at blinker, may multa rin na P15,000 ang mga nasisitang motorista.
“I am calling the support of our populace and our community na ireport po sa ating himpilan ng ating local police at HPG kung makita at may mapansin silang ganito,” apela ni Police Colonel Reynante Reyes, hepe ng HPG Region 11.
Sinita rin ng HPG sa Metro Manila ang mga sasakyan na may wang-wang at blinker sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ang isang SUV na nasita, lumitaw na walang plaka, hindi nakarehisto mula pa noong 2017 at may problema pa sa dokumentong OR/CR kaya inimpound ang sasakyan.
Muling pinaigting ang kampanya kontra wangwang at blinker matapos manawagan si Senador JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na muling buhayin ang naturang kampanya laban sa mga motoristang hindi naman dapat gumagamit ng naturang wang-wang at blinker.
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 96, tanging ang mga ambulansiya, fire trucks, at tauhan ng PNP, militar, National Bureau of Investigation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang maaaring gumamit ng mga naturang device kapag may emergency.
Bukod sa mga nasabing ahensiya, puwede ring gumamit ng wang-wang at blinker ang mga sasakyan ng limang pinakamatataas na opisyal ng bansa--ang presidente, vice-president, senate president, House speaker, at chief justice.
Panahon ng panunungkulan ng namayapang si Pangulong Benigno "Noynoy"Aquino III, nang paigtingin ang kampanya kontra wang-wang at blinker na naging bahagi ng kaniyang talumpati sa kaniyang inagurasyon noong 2010.--FRJ, GMA News