Tinawag ni Senador Imee Marcos na "miryenda" at "small get-together" lang ang napabalitang birthday party umano ng kaniyang ina na si First Lady Imelda Marcos sa Malacañang nitong weekend.
Ayon kay Imee, walang pondo ng gobyerno na ginastos sa pagdiriwang ng ika-93 taong kaarawan ng kaniya ina, na ginanap sa Palasyo ilang araw matapos ang inagurasyon ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., bilang ika-17 presidente ng bansa noong June 30.
Sinabi ng senadora na walang bayad sa mga tumugtog sa selebrasyon ng kaniyang ina, at kaniya-kaniya rin umano ng dala ng pagkain ang mga bisita.
"Nag-merienda lang. Siyempre ang nanay ko 93 na, ang tatanda na n'on. 'Pag sinabing party, parang yugyugan e," paliwanag ni Imee nang tanungin tungkol sa sinasabing nangyaring kasiyahan sa Malacañang.
"Hindi ganon kasi they are also ancients but yes, we had a get together. Very simple merienda with a small recital of old friends and scholars," dagdag niya.
Ayon kay Imee, naging masaya ang pagdiriwang lalo na ang kaniyang ina dahil nagkaroon ng dalawang pangulo sa kanilang pamilya.
"Nagsalita siya, talaga namang nakakataba ng puso. Sabi niya, 'I am the happiest person in the world. Ako lang yung naging nanay ng isang presidente na dating asawa ng isang presidente at buhay pa ako," ani Imee.
"Kaya nakakatuwa siya. We had a simple family and friends get-together. Just a small get-together and her musical and arts scholars performed a small recital for her and she was very, very pleased," patuloy niya.
Wala rin nakikitang masama si Imee na magdiwang ng kaarawan sa Palasyo na ginawa rin umano sa kaniya noon bata pa siya.
"I'm sure everyone brought food as a matter of fact. It's quite funny. At saka libre naman lahat noong mga tumugtog. Bawal ba 'yon? Hindi ko alam. Kasi nagbi-birthday party rin ko noong bata ako doon e. Bawal ba yon?" tanong niya.
Naging pangulo ang ama nina Imee at Bongbong na si Marcos Sr. mula 1965 hanggang 1986. Naalis sa posisyon ang nakatatandang Marcos sa pamamagitan ng Edsa People Power revolution.
Una rito, tumanggi ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na magbigay ng pahayag tungkol sa birthday celebration ni Imelda sa Palasyo.
Maglalabas lang umano ng pahayag ang tanggapan kung may kaugnayan sa interes at kapakanan ng publiko.
Tiniyak naman ni Communications Secretary Trixie Cruz-Angeles nitong Lunes na, susundin palagi ng pangulo ang itinatakda sa batas patungkol sa pagdaraos ng kasiyahan ng kaniyang pamilya sa Palasyo.—FRJ, GMA News